
Nasagip ng mga pulis ang walong-buwang gulang na kambal sa Candaba, Pampanga noong Oktubre 25, matapos ang mahigit dalawang buwang paghahanap sa mga sanggol na umano’y ibinenta ng kanilang sariling ina sa halagang ₱27,000.
Nasa pangangalaga na ngayon ng mga social worker ng Taguig City ang magkapatid habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa tatlong suspek na umano’y sangkot sa pagbebenta at paglilipat sa mga bata.
Ayon sa imbestigasyon, unang ipinaubaya ng ina ang kambal sa kanilang lola, na nag-alaga sa kanila mula nang ipanganak dahil premature ang mga ito.
Noong Agosto, kinuha umano ng ina ang mga sanggol sa pangakong aalagaan ang mga ito, ngunit kalaunan ay nalaman ng lola na ipinaampon na ang kaniyang mga apo.
Nadiskubre rin na umano’y nakipag-ugnayan ang ina sa isang babae sa pamamagitan ng Facebook at ipinagbili ang kambal sa halagang ₱27,000.
Ayon sa pulisya, muling ibinenta ng naturang babae ang mga sanggol sa dalawang babae sa Pampanga sa halagang ₱30,000.
Matapos ang halos isang linggong surveillance at follow-up operations, natunton ng mga awtoridad ang kambal at naaresto ang dalawang babaeng umano’y bumili sa kanila.
Nauna namang natunton sa San Luis, Aurora ang babaeng sinasabing unang bumili sa mga sanggol.
Inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022 at Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act laban sa tatlong suspek.
Binigyang-diin ng mga awtoridad na may legal na proseso sa pag-aampon at hindi maaaring ituring na kalakal ang mga bata.










