Umusad si Alex Eala sa Round of 16 ng Toray Pan Pacific Open sa Japan matapos talunin ang 17-anyos na British wildcard na si Mika Stojsavljevic, 6-1, 6-2, sa kanilang unang paghaharap nitong Lunes.

Naging agresibo si Eala sa unang set at agad na nakalamang ng 5-0 bago tuluyang isara ang set sa 6-1.

Bagama’t lumaban si Stojsavljevic sa ikalawang set, nakabawi ang Pinay tennis star at nakuha ang huling tatlong laro upang tuluyang selyuhan ang panalo.

Kinailangan ni Eala na makaligtas sa tatlong break point sa ikapitong game bago magpakawala ng magkakasunod na panalong forehand shot para makuha ang ikawalong game at tapusin ang laban.

Sa Round of 16, makakaharap ni Eala si Talia Gibson ng Australia, na kasalukuyang nasa ika-38 puwesto sa ranking ng Women’s Tennis Association.

-- ADVERTISEMENT --

Target ni Eala na makapasok sa quarterfinals sa kauna-unahang pagkakataon sa Asian Swing.