Hinimok ng Malacañang si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na harapin ang kasong kinakaharap niya sa International Criminal Court (ICC), at iginiit na kung malinis ang kaniyang konsensiya ay wala siyang dapat ikatakot.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, hindi makatotohanan ang pahayag ng asawa ng senador na si Nancy dela Rosa na isang uri ng pang-uusig ang pagtatangkang arestuhin ito.

Sinabi ni Castro na ang mga reklamo laban kay Dela Rosa kaugnay ng umano’y crimes against humanity sa madugong kampanya kontra droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay inilutang na noon pang 2017.

Nanawagan din ang opisyal na alalahanin ang mga biktima ng umano’y extrajudicial killings, kabilang ang mga mahihirap na pinatay at sinasabing pinagtamnan ng ebidensiya, at panagutin ang mga responsable.

Nagtatago si Dela Rosa matapos maglabas ang ICC ng arrest warrant laban sa kaniya noong Nobyembre 6, 2025, kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kinalaman sa kampanya kontra droga.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, nagpasalamat si Nancy sa mga sumusuporta sa kaniyang asawa at nanawagan sa mga nasa kapangyarihan na huwag itong gamitin para sa kanilang personal na interes.