Namahagi ang Philippine Red Cross (PRC) ng kabuuang ₱7.43 milyong cash assistance sa 743 pamilyang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani at Davao Occidental.

Isinagawa ang pamamahagi noong Martes, Oktubre 27, sa pakikipagtulungan sa International Federation of Red Cross and Red Crescent Societies o IFRC, bilang bahagi ng patuloy na pagtugon sa pangangailangan ng mga nasalanta.

Sa bayan ng Malapatan, Sarangani, nakatanggap ang 323 pamilya ng tig-₱10,000 na may kabuuang halagang ₱3.23 milyon. Isinagawa ang pamamahagi sa Barangay Sapu Masla Covered Court.

Samantala, kabuuang ₱4.2 milyon naman ang ipinamahagi sa 420 pamilyang naapektuhan sa bayan ng Jose Abad Santos, Davao Occidental.

Nag-deploy ang PRC ng 47 kawani at boluntaryo upang pangasiwaan ang pamamahagi ng tulong-pinansyal at matiyak na matutugunan ng mga benepisyaryo ang kanilang mga pangunahing pangangailangan.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay PRC Chairman at CEO Richard J. Gordon, layunin ng cash assistance na mabigyan ang mga pamilya ng kalayaang pumili ng mga pangangailangan nila sa pagbangon mula sa kalamidad.