Nag-anunsiyo ng pagbibitiw si European Central Bank (ECB) President Christine Lagarde at nakatakdang bumaba sa puwesto sa Pebrero 7, 2027, matapos ang ilang buwang espekulasyon sa kanyang pananatili sa posisyon.

Ayon sa ECB, ipinaalam ni Lagarde sa Governing Council at European Council President António Costa ang kanyang desisyon nitong Huwebes.

Nakatakda sanang magtapos ang termino ni Lagarde sa Oktubre 2027. Kabilang sa mga itinuturing na posibleng kapalit niya sina Klaas Knot, dating pinuno ng central bank ng Netherlands, at Pablo Hernández de Cos, dating gobernador ng central bank ng Spain.

Nagaganap ang pagbibitiw sa gitna ng hamon sa ekonomiya ng Europe, kabilang ang patuloy na pagtaas ng presyo ng enerhiya, implasyon at pagtaas ng gastos sa pangungutang.