Gumawa ng kasaysayan si Pope Leo XIV bilang kauna-unahang Santo Papa na bumoto sa isang general election sa United States, matapos magpadala ng mail-in ballot para sa midterm elections sa November 3.

Kinumpirma ng Vatican na ginamit ng Chicago-born pontiff ang kaniyang karapatang bumoto bilang American citizen, alinsunod sa kaniyang paniniwala sa kahalagahan ng pakikilahok ng mga mamamayan sa demokratikong proseso.

Isinumite ni Pope Leo ang kaniyang balota sa Illinois gamit ang kaniyang tunay na pangalang Robert Francis Prevost, bagama’t hindi ibinunyag ng Vatican kung sinu-sinong kandidato ang kaniyang sinuportahan.

Mababatid na si Pope Leo ang kauna-unahang American-born Pope, na may dual citizenship sa United States at Peru, kung saan mahigit dalawang dekada siyang nagsilbi bilang misyonero at obispo bago nahalal na Santo Papa noong May 2025.

Batay sa election records sa Illinois, dati nang bumoto si Prevost sa mga primary election ng Democratic at Republican parties, ngunit hindi nakasaad sa mga rekord kung sinu-sinong kandidato ang kaniyang pinili.

-- ADVERTISEMENT --

Sa November 3 midterm elections, maghahalal ang mga botante sa Illinois ng bagong US senator na papalit sa magreretirong si Dick Durbin, gayundin ng gobernador ng estado.

Una nang naging bukas si Pope Leo sa pagpuna sa ilang polisiya ni US President Donald Trump, partikular sa usapin ng immigration, digmaan at karapatang pantao, bagama’t hindi siya nagpahayag ng suporta sa alinmang kandidato sa nalalapit na halalan.