
Nakabalik na sa Vatican si Pope Leo matapos ang apat na araw na pananatili sa ospital kasunod ng operasyon para alisin ang bahagi ng kanang baga na apektado ng kanser.
Lumabas ang 71-anyos na Santo Papa sa Gemelli Hospital sa Rome, Italy nitong Sabado, at naglakad nang walang alalay patungo sa naghihintay na sasakyan habang kumakaway sa mga taong nag-abang sa kaniyang paglabas.
Bago umalis, nakipag-usap din siya sa isang 13-anyos na batang babae mula Ukraine na sumasailalim sa gamutan para sa kanser sa Italy.
Ayon sa kaniyang mga doktor, maayos ang kondisyon ng Santo Papa at wala namang naging komplikasyon sa operasyon. Kaya na rin niyang gawin nang mag-isa ang mga karaniwang pang-araw-araw na aktibidad.
Nakatakda namang pangunahan ni Pope Leo ang lingguhang panalangin kasama ang mga peregrino ngayong Linggo, sa kaniyang unang pampublikong aktibidad matapos ang operasyon.
Samantala, sinabi ng kaniyang lead surgeon na posibleng ganap na makarekober ang Santo Papa sa loob ng sampung araw at wala pang klinikal na dahilan upang kanselahin ang nakatakda niyang pagbisita sa Uruguay, Argentina at Peru mula Nobyembre 6 hanggang 17.










