Posibleng matapos bago matapos ang Nobyembre ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kung maihaharap ng kanyang kampo ang mga ebidensiya sa loob ng 10 buong araw ng paglilitis.

Ayon kay House lead prosecutor at Batangas Representative Gerville Luistro, inaasahang mababawasan ang orihinal na 30 trial days na hiniling ng depensa kasunod ng pag-atras ng prosekusyon sa tatlo sa apat na Articles of Impeachment laban sa bise presidente.

Article II na lamang ang itutuloy ng prosekusyon, na tumatalakay sa mga alegasyon ng hindi ganap na deklarasyon ng mga ari-arian at hindi pagbitaw sa mga interes sa negosyo, na nagbunsod ng mga tanong tungkol sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte.

Gayunman, nakadepende pa rin ang iskedyul sa pag-apruba ng Senate impeachment court at sa dami ng testigong ihaharap ng depensa. Posibleng umabot sa Disyembre ang paglilitis kung mangangailangan ito ng mahigit 10 araw.

Nakatakdang ipagpatuloy ang impeachment trial sa Nobyembre 9, alas-10 ng umaga, matapos itong pansamantalang suspendihin upang bigyang-daan ang mga deliberasyon sa panukalang 2027 national budget.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, iginiit ng kampo ni Duterte na dapat pa rin siyang mabigyan ng pagkakataong sagutin ang mga alegasyong naiharap na sa impeachment court, kahit inalis na ng prosekusyon ang tatlong artikulo ng impeachment.