Haharap sa kasong murder ang isang kilalang personalidad at lima pang indibidwal kaugnay ng pagpatay sa isang 22-anyos na working student sa San Jose, Batangas.

Kinumpirma ni Philippine National Police spokesperson Police Colonel Allen Rae Co na inihahanda na ang pagsasampa ng kaso laban sa anim na suspek. Tinitingnan din ng mga imbestigador ang posibilidad na love triangle ang motibo sa krimen.

Napatay ang biktima matapos pagbabarilin habang sakay ng motorsiklo sa national highway sa Barangay Banay-banay II bandang alas-nuwebe ng gabi noong Oktubre 25.

Batay sa kuha ng CCTV, magkatabing bumiyahe ang biktima at mga suspek na sakay din ng motorsiklo bago siya pinaputukan. Una itong napagkamalang aksidente, ngunit natuklasang nagtamo ang biktima ng mga tama ng bala sa likod na tumagos hanggang dibdib.

Ayon sa pulisya, pauwi na ang biktima mula sa restaurant kung saan siya nagtatrabaho bilang musikero nang mangyari ang pamamaril. Narekober naman sa pinangyarihan ang dalawang basyo ng bala mula sa kalibre .45 na baril.

-- ADVERTISEMENT --