Nagsumite ng open letter ang Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan o PDP-Laban sa Korte Suprema, na humihiling sa mga mahistrado na resolbahin na ang mga nakabinbing petisyon kaugnay ng mga arrest warrant laban kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Senator Ronald “Bato” dela Rosa na may kaugnayan sa mga kasong kinakaharap nila sa International Criminal Court o ICC.

Ayon kay PDP-Laban spokesperson Atty. Ferdinand Topacio, layunin ng liham na pormal na ihayag ang posisyon ng partido at himukin ang mataas na hukuman na aksiyunan ang mga nakabinbing kaso.

Sa liham na nilagdaan ni acting chairman Alfonso Cusi, iginiit ng partido na ang matagal na pagkaantala sa paglalabas ng desisyon ay maaaring magpalala sa kawalan ng katiyakan at katatagan sa bansa.

Binanggit din ng PDP-Laban na halos 600 araw nang nakabinbin sa Korte Suprema ang petisyon para sa writ of habeas corpus na inihain para kay Duterte. Hiniling din nila ang agarang pagresolba sa motion for reconsideration na inihain ni Dela Rosa.

Bilang isang concerned third party, sinabi ng partido na igagalang at susundin nito ang anumang magiging desisyon ng Korte Suprema. Ang pangunahing hinihiling lamang umano nila ay makapaglabas na ng pasya ang hukuman.

-- ADVERTISEMENT --

Kasabay ng pagsusumite ng liham, nagsagawa rin ng kilos-protesta ang mga miyembro ng PDP-Laban at mga tagasuporta nina Duterte sa labas ng Korte Suprema sa Maynila. Nanawagan sila na resolbahin na ang mga petisyon at linawin ang legalidad ng mga arrest warrant na inilabas ng ICC.

Si Duterte ay inaresto noong Marso 11, 2025 at ipinadala sa The Hague, Netherlands, upang harapin ang kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa madugong kampanya kontra droga. Nakatakdang magsimula ang paglilitis sa kaniya sa Nobyembre 30, 2026.

Samantala, hinahanap din ng ICC si Dela Rosa dahil sa umano’y pagiging kapwa sangkot sa mga krimeng iniimbestigahan. Hindi na ito nakikita sa publiko mula pa noong Marso, habang nag-aalok ang pamahalaan ng ₱50 milyong pabuya para sa impormasyong magtuturo sa kaniyang pagkakaaresto.