
Tiniyak ng Malacañang na hindi mapapabayaan o basta-basta mapapaalis ang mga magsasaka at Indigenous Peoples (IPs) sa pagpapatupad ng planong Pax Silica project sa New Clark City, Capas, Tarlac.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, itatayo ang mga pasilidad sa itinakdang *buildable zone* upang maiwasang maapektuhan ang mga komunidad. Sakaling may mga residenteng mapaalis, nangako rin ang pamahalaan na magbibigay ng relokasyon at tulong pinansyal.
Ipinaliwanag ni Castro na kabilang sa 3,500 ektarya ng lupang itinalagang buildable zone ang lugar na pinag-aaralan para sa proyekto. Samantala, nasa 6,000 ektarya naman ang nakalaan para sa mga luntiang lugar, reserbang kagubatan at planong sakahan.
Gayunman, nagpahayag ng pangamba ang mga grupo ng magsasaka, katutubo at environmental advocates dahil sa posibleng epekto ng proyekto sa mga lupang ninuno, kabuhayan ng mga Aeta at likas na yaman. Kabilang din sa mga isyung kanilang binigyang-diin ang malaking pangangailangan sa tubig at kuryente ng mga planong pasilidad, lalo na ng mga data center para sa artificial intelligence.
Nanawagan ang mga kritiko ng mas malinaw na impormasyon at makabuluhang konsultasyon sa mga komunidad na posibleng maapektuhan bago ituloy ang proyekto.
Samantala, wala pang tiyak na petsa kung kailan lalagdaan ang legal framework ng Pax Silica. Sinabi ng Palasyo na draft agreement pa lamang ito at hindi pa kumpirmado kung maisasagawa ang paglagda sa panahon ng ASEAN Summit.










