Humiling ang kampo ni Vice President Sara Duterte sa Senate Impeachment Court na maglabas ng subpoena para kay Dean Ralph Sarmiento, ang unang testigong ihaharap ng depensa sa nagpapatuloy na impeachment trial.

Sa manifestation at request na inihain nitong Miyerkules, sinabi ng mga abogado ni Duterte na nais nilang iharap si Sarmiento sa Nobyembre 9 upang magbigay ng testimonya tungkol sa mga prinsipyong legal at konstitusyonal na may kaugnayan sa kaso, partikular sa Article II ng impeachment complaint.

Si Sarmiento ay isang propesor ng political at constitutional law at dating vice chancellor for administration ng University of St. La Salle. Hinihiling din ng depensa na dalhin niya ang kaniyang curriculum vitae at iba pang dokumentong magpapatunay sa kaniyang mga kwalipikasyon.

Sa Article II, inaakusahan si Duterte ng pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na yaman, umano’y hindi pagsisiwalat ng lahat ng kaniyang ari-arian sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN, at pagkakaroon ng ipinagbabawal na interes sa negosyo.

Ayon pa sa kampo ng bise presidente, isusumite nila sa takdang limang araw na abiso ang pagkakakilanlan ng iba pang mga testigo para sa mga pagdinig sa Nobyembre 10, 11, 12, 13, 19, 20 at 23.

-- ADVERTISEMENT --