
Ipa-flag at susuriin ng pamahalaan ang lahat ng shipment na manggagaling sa Laos kasunod ng pagkakakumpiska sa humigit-kumulang 200 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱1.36 bilyon sa Manila International Container Port.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, paiigtingin ang inspeksiyon upang matukoy kung may nakatagong ilegal na droga sa mga kargamentong papasok sa bansa.
Sinabi ni Remulla na bago sa kaniya ang paraang ginamit sa pagtatago ng shabu sa loob ng mga karton. Hinala rin niyang naghahanap ng alternatibong ruta ang mga sindikato matapos masabat ng mga awtoridad ang tinatayang 17 tonelada ng ilegal na droga sa karagatan.
Binanggit din ng kalihim ang pagtaas ng presyo ng shabu mula ₱3,800 kada gramo noong 2019 hanggang 2020, patungong ₱6,800 kada gramo sa kasalukuyan. Para kay Remulla, indikasyon ito ng pagkaubos o paghina ng suplay ng droga sa merkado.
Noong Miyerkules, nasamsam ng mga awtoridad ang 200 kilo ng shabu na nagmula sa Laos at dumaan umano sa Vietnam at Hong Kong bago makarating sa Maynila.
Iniimbestigahan din ang posibleng pagkakasangkot ng ilang Pilipino sa tangkang pagpapasok ng 521 kilo ng shabu mula Laos gamit ang isang pribadong eroplano noong Oktubre.










