Itinanggi ni Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla ang alegasyong palihim na nakalalabas ng Quezon City Jail si Leyte Representative at dating House Speaker Martin Romualdez.

Ayon kay Remulla, may hawak ang DILG na CCTV footage na nagpapatunay na hindi lumalabas ng pasilidad ang kongresista. Hinikayat pa niya ang media na suriin ang mga video sa loob mismo ng kulungan, bagama’t hindi aniya maaaring ilabas sa publiko ang mga ito.

Nilinaw rin ng kalihim na nananatili sa detensiyon si Romualdez at ang anumang espesyal na konsiderasyon sa kaniya ay may kaugnayan lamang sa kaniyang kondisyong medikal. Magkahiwalay din umano ng kuwarto sina Romualdez at Senator Rodante Marcoleta.

Ayon pa kay Remulla, limitado ang mga bumibisita sa kongresista at karamihan sa mga ito ay mga miyembro ng pamilya at kaniyang mga abogado.

Nauna nang naglunsad ng imbestigasyon ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) matapos kumalat ang alegasyon na gumagamit umano si Romualdez ng ambulansya upang makalabas ng kulungan. Sa paunang pagsusuri ng BJMP sa CCTV footage, walang naitalang pagkaantala sa kuryente o surveillance camera at wala ring nakitang paggalaw ni Romualdez palabas ng pasilidad.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, humingi na ng paumanhin si kolumnistang Ramon “Mon” Tulfo at inaming maling impormasyon ang natanggap niya tungkol sa umano’y paglabas-masok ng kongresista sa kulungan.