Naghain ang Office of the Solicitor General (OSG) ng mosyon sa Korte Suprema upang hilingin ang paglilinaw at bahagyang pagbabalik-aral sa desisyon nito na nagdeklarang labag sa Konstitusyon ang 2024 at 2025 General Appropriations Act (GAA) at ilang espesyal na probisyon ng 2026 budget.

Sa mosyong nilagdaan ni Solicitor General Darlene Berberabe, hiniling ng OSG na linawin ang saklaw ng paggamit ng doctrine of operative fact, na inilapat lamang ng Korte Suprema sa mga partikular na programa, aktibidad at proyekto sa kabila ng pagdedeklarang labag sa Konstitusyon ang 2024 at 2025 GAA.

Hiniling din ng OSG na linawin kung may limitasyon o ceiling ang unprogrammed appropriations, at kung dapat itong magkaroon ng hiwalay na limitasyon mula sa programmed appropriations.

Nais din ng tanggapan na ideklara ng Korte Suprema na hindi lumabag sa Konstitusyon ang pagtaas ng pondo para sa Special Road Fund sa ilalim ng 2025 GAA.

Giit ng OSG, hindi naman tuluyang idineklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang unprogrammed appropriations, kundi pinahintulutan ito sa ilalim ng ilang kundisyon.

-- ADVERTISEMENT --

Hiniling din nitong linawin kung ang mga itinakdang gabay ng korte ay rekomendasyon lamang sa mga sangay ng pamahalaan o mga obligasyong dapat sundin sa ilalim ng Konstitusyon.