
Nasawi ang tatlong beachgoers matapos tangayin ng malalakas na alon at agos habang naliligo sa dagat sa Barangay San Rafael, Sta. Magdalena, Sorsogon noong Nobyembre 4.
Ayon sa Coast Guard District Bicol, unang nahirapan sa tubig ang 18-anyos na babae kaya tinangka siyang sagipin ng dalawang lalaking edad 25 at 42. Gayunman, kapwa rin sila nalubog dahil sa malakas na agos at alon.
Nailigtas ng mga bystander ang babae at isinugod sa ospital, ngunit idineklarang dead on arrival. Narekober naman ang bangkay ng 25-anyos na lalaki noong Miyerkules ng umaga, habang natagpuan ang 42-anyos na biktima kinahapunan ng Huwebes, Nobyembre 5, matapos mamataan ng isang mangingisda.
Dinala ang mga labi ng tatlo sa isang punerarya sa Matnog, Sorsogon.
Nagbabala naman ang mga awtoridad sa mga residente at turista na mapanganib paliguan ang nasabing lugar, lalo na kapag masama ang panahon, dahil sa malalakas na alon at undertow o agos na humihila pabalik sa dagat.










