Tiniyak ni Senate President Sherwin Gatchalian na magbibigay pa rin siya ng babala sa prosecution panel ng House of Representatives kaugnay ng mga kumalat na larawan ng mga miyembro nito na nagpo-pose nang pabiro sa loob ng session hall ng Senado, sa kabila ng paghingi ng paumanhin ng lead prosecutor na si Batangas Representative Gerville Luistro.

Ayon kay Gatchalian nitong Biyernes, Oktubre 16, tinatanggap nila ang paghingi ng paumanhin ni Luistro, ngunit kailangang maitala pa rin ang insidente at matiyak ang pagsunod sa mga tuntunin sa wastong asal sa loob ng session hall.

Nauna nang inatasan ni Gatchalian ang Office of the Sergeant-at-Arms na imbestigahan ang mga kumalat na larawan. Saklaw din umano ng pagsisiyasat ang mga insidente ng pagsasayaw sa mga pasilyo at pagtulog sa loob ng session hall.

Ipinaliwanag naman ni Luistro na masaya lamang ang mga miyembro ng prosecution panel nang kuhanan sila ng larawan dahil nakapagpahinga sila matapos ang ilang buwang pagdinig sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.

Binigyang-diin ni Gatchalian na bagama’t walang masama sa pagkuha ng larawan sa session hall, ginagamit ang lugar bilang silid-paglilitis sa impeachment proceedings kaya inaasahang susunod ang lahat sa mga alituntunin at pamantayan ng wastong asal.

-- ADVERTISEMENT --

Inaasahan din ng Senate President ang opisyal na ulat hinggil sa insidente.