
Inaasahan na ng maraming manggagawa ang pagtanggap ng kanilang 13th month pay ngayong papalapit ang kapaskuhan, na dapat ipamahagi ng mga employer bago sumapit ang Disyembre 24, 2026.
Batay sa Department of Labor and Employment o DOLE, kinukuha ang 13th month pay sa pamamagitan ng paghahati sa kabuuang basic salary na kinita ng empleyado sa loob ng isang taon sa 12 buwan.
Halimbawa, kung umabot sa ₱228,010.04 ang kabuuang basic salary ng isang manggagawa, makatatanggap siya ng ₱19,000.84 bilang 13th month pay.
Karapatan din dito ang mga empleyadong nagbitiw o tinanggal sa trabaho bago matapos ang taon. Pro-rated o batay sa panahong kanilang pinagsilbihan ang magiging halaga nito.
Saklaw ng benepisyo ang lahat ng rank-and-file employees sa pribadong sektor, anuman ang employment status o paraan ng pagtanggap ng sahod. Kabilang din dito ang mga kasambahay, basta nakapagtrabaho nang hindi bababa sa isang buwan sa loob ng taon.
Paalala rin na iba ang 13th month pay sa Christmas bonus, na nakadepende sa pasya at patakaran ng kumpanya o employer.










