Inaasahang matatapos ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang presentasyon ng mga testigo sa impeachment trial bago matapos ang Nobyembre, batay sa bilis ng kanilang pagdinig.

Ayon kay tribunal spokesperson Atty. Enrico Tongol, nakapagtatanghal ang depensa ng tatlo hanggang apat na testigo kada araw. Sampung araw naman ang ibibigay sa kampo ni Duterte para isumite ang formal offer of evidence matapos ang kanilang presentasyon, habang mayroon ding sampung araw ang prosekusyon para magkomento o tumutol dito.

Pagkatapos nito, mayroon pang hanggang sampung araw ang impeachment court para resolbahin ang formal offer at mga komento ng magkabilang panig.

Naniniwala rin ang kampo ni Duterte na maaaring mailabas ang hatol bago ang Christmas break. Gayunman, sinabi ni Atty. Paolo Panelo na may impormasyon umano siyang nagmamadali ang mga senador upang mailabas ang desisyon bago mag-Pasko, na posibleng makaapekto sa magiging reaksiyon ng publiko.

Para naman sa prosekusyon, panahon na upang matapos ang impeachment proceedings at magkaroon ng hatol bago ang Pasko, ayon kay lead prosecutor at Congressman Gerville Luistro.

-- ADVERTISEMENT --

Nakatakda ang susunod na pagdinig sa Nobyembre 19 at 20, bago mag-break ang Senado upang pagtuunan ang 2027 national budget. Inaasahang magpapatuloy ang trial sa Disyembre 1.