
Kinilala ng Guinness World Records ang isang babae mula North Carolina, United States matapos makapagtala ng pinakamaraming tattoo ng iisang cartoon character sa katawan ng isang babae.
May kabuuang 83 tattoo ni Mickey Mouse si Andrea Schmidt Timmons, na nakakalat sa kanyang ibabang likod, kaliwang braso at iba pang bahagi ng katawan.
Nagsimula ang pagkahilig ni Andrea kay Mickey Mouse noong anim na taong gulang siya matapos lumipat mula Germany patungong Amerika noong 1973.
Ayon sa kaniya, naging inspirasyon niya ang masayahin at positibong personalidad ng sikat na cartoon character, lalo na sa pagharap sa mga pagsubok sa buhay.
Dahil dito, hindi lamang mga tattoo ang kanyang kinokolekta kundi maging mga stuffed toy, poster at iba pang memorabilia na may larawan ni Mickey Mouse.
Inamin ni Andrea na sa tuwing napapanood niya ang karakter, napapangiti siya at gumagaan ang kanyang pakiramdam.









