
Umabot na sa 80 porsiyento ang pagkakabuo ng panukalang Code of Conduct (COC) sa South China Sea, ngunit sa susunod na taon na inaasahang tuluyang matatapos ang negosasyon sa ilalim ng pamumuno ng Singapore sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro, hindi naabot ang target na pagtatapos ng kasunduan sa ilalim ng chairmanship ng Pilipinas dahil sa kakulangan ng panahon at magkakaibang pananaw ng sampung bansang miyembro ng ASEAN at China.
Gayunman, itinuring ng kalihim na malaking tagumpay ang pag-usad ng negosasyon mula sa dating 50 porsiyento hanggang 80 porsiyento sa panahon ng pamumuno ng Pilipinas.
Umaasa si Lazaro na matatapos na ang natitirang usapin sa ilalim ng Singapore sa 2027, dahil kaunti na lamang umano ang kailangang pag-usapan.
Layunin ng COC na magtakda ng mga patakaran upang maiwasan ang paglala ng mga alitan sa South China Sea at mapigilan ang posibleng armadong komprontasyon sa rehiyon.










