Nagbabala ang Cybercrime Investigation and Coordinating Council (CICC) laban sa pagpo-post o pagbabahagi ng mga online content na naghihikayat ng karahasan kasabay ng mga kilos-protesta kaugnay ng pagdaraos ng ASEAN Summit sa bansa.

Ayon sa CICC, natukoy ng kanilang monitoring team ang ilang indibidwal na umano’y naglalathala ng mga post sa social media na maaaring mag-udyok ng karahasan kaugnay ng mga protesta sa Metro Manila.

Binigyang-diin ni CICC Executive Director Undersecretary Renato “Aboy” Paraiso na kinikilala ng pamahalaan ang karapatan ng publiko sa malayang pagpapahayag at mapayapang pagtitipon, ngunit hindi ito dapat gamitin upang bigyang-katwiran ang karahasan o ilagay sa panganib ang kaligtasan ng publiko.

Sinabi ni Paraiso na sinusuri pa ng ahensya ang kredibilidad ng mga namonitor na post bago magpasya sa nararapat na hakbang.

Nakikipag-ugnayan na rin ang CICC sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan at law enforcement authorities upang matiyak na mapapanagot ang sinumang mapatutunayang lumabag sa umiiral na batas.

-- ADVERTISEMENT --