Itinanggi ng Manila Police District (MPD) na sinubukan nilang pigilan ang mga raliyista sa paggamit ng sound system sa Liwasang Bonifacio sa Maynila.

Ayon kay MPD spokesperson Police Major Philipp Ines, nilapitan lamang ng mga pulis ang pickup truck na nagbababa ng sound system dahil hindi pinapayagang pumasok ang mga sasakyan sa naturang freedom park.

Nilinaw ni Ines na nagkaroon lamang ng hindi pagkakaunawaan at pinayagan pa rin ang mga aktibista na gamitin ang kanilang sound system.

Itinanggi rin niya ang alegasyon ng mga raliyista na mga pulis ang nagbutas sa mga gulong ng pickup truck.

Nagtipon ang daan-daang miyembro ng iba’t ibang progresibong grupo sa Bonifacio Shrine upang tutulan ang Pax Silica initiative at ang pagdating ni US President Donald Trump sa bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Nagbabala naman ang mga awtoridad na haharangin ang mga raliyista sakaling tangkain nilang magmartsa patungo sa Philippine International Convention Center, kung saan ginaganap ang ASEAN Summit.