Nakatakdang iharap ang apat na testigo ng kampo ni Vice President Sara Duterte sa impeachment trial sa Nobyembre 19 at 20 upang talakayin ang rehistrasyon, regulatory compliance at operasyon ng Cale88 Foods Corporation na inuugnay sa kanyang asawang si Manases Carpio.

Kabilang sa mga testigong ipinatawag sina Rainer Dela Fuente ng AML Consulting Philippines, DTI Undersecretary Ceferino Rodolfo, FDA official Pilar Marilyn Pagayunan at kinatawan ng Center for International Expositions and Missions.

Tatalakayin ng mga ito ang mga usapin kaugnay ng Anti-Money Laundering Act, rehistrasyon ng Cale88 sa Board of Investments, product registration ng banana chips at pakikipag-ugnayan nito sa mga food exposition.

Gayunman, iginiit ng abogado ng prosekusyon na hindi ang rehistrasyon ng kumpanya ang pangunahing kinukuwestiyon kundi kung paano ito nakapagtala ng daan-daang milyong pisong transaksyon sa kabila ng iniulat na ₱125,000 lamang na paid-up capital.

Batay sa mga rekord na inilahad sa paglilitis, umabot sa ₱776 milyon ang pumasok na pera sa kumpanya, habang nasa ₱154 milyon ang mga lumabas na pondo. Nasa ₱23 milyon naman ang iniulat na kabuuang benta nito.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa prosekusyon, susuriin nila ang kredibilidad at nilalaman ng testimonya ng mga ihaharap na saksi upang malaman kung masasagot ng mga ito ang mga katanungan hinggil sa pinagmulan ng pera at mga transaksyon ng kumpanya.