
Iginiit ni Atty. Manases “Mans” Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, na personal niyang pera ang ginamit sa ilang gastusing tinalakay sa impeachment trial ng bise presidente at hindi dapat iugnay sa asawa o sa tanggapan nito.
Sa pahayag nitong Linggo, Oktubre 11, sinabi ni Carpio na kabilang sa mga gastusing tinukoy ang mga transaksiyon sa Japan at Malaysia, gayundin ang mga pagbili sa Nike, na binayaran umano gamit ang sarili niyang credit card.
Binigyang-diin niya na walang ilegal sa paggastos ng sarili niyang pinaghirapang pera at walang pondong pampubliko ang ginamit sa mga personal na gastusin.
Samantala, iginiit ng prosecution team na hindi tugma ang kita nina Duterte at Carpio sa kanilang idineklarang yaman, kabilang ang mga nakasaad sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng bise presidente.
Nahaharap si Duterte sa tatlong impeachment charge na may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, at grave threats.










