Nagtala ng bagong world record ang magkapatid na kambal na sina Aline Galiano at Alena Hahnle mula Germany matapos silang kilalanin ng Guinness World Records bilang most tattooed twins (female).

Aabot sa 70 porsiyento ng kanilang katawan ang natatakpan ng makukulay na tattoo, na patuloy pang nadaragdagan dahil nagpapatattoo sila sa isa’t isa kahit isang beses kada buwan.

Kilala bilang Petunia Twins, kasalukuyan silang naninirahan sa Los Angeles, United States, kung saan mayroon silang sariling tattoo studio kasama ang walong iba pang babaeng tattoo artist.

Ayon sa magkapatid, una nilang ipinangako sa kanilang ina na tig-iisang tattoo lamang ang kanilang ipapalagay, ngunit kalaunan ay nahumaling sila sa body art at ginawa itong kanilang propesyon.

Ibinahagi rin nila na ang kanilang pagkahilig sa tattoo ay hindi lamang naging bahagi ng kanilang pagkakakilanlan kundi naging daan din upang makapagtayo sila ng sariling negosyo.

-- ADVERTISEMENT --

Itinuturing naman ng kambal na hindi lamang sila magkapatid kundi magkaibigan at magkasosyo rin sa negosyo.