
Nasagip ang 19 na Pilipinong tripulante matapos atakihin ng drone ang kanilang sinasakyang LPG tanker na Gas Husky sa Black Sea, malapit sa Bulgaria.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), dalawa sa mga Pinoy crew ang nagtamo ng sugat matapos tumagilid ang barko at mapilitang tumalon sa dagat ang mga tripulante. Sila ay kalaunang nasagip ng Bulgarian Army.
Kasalukuyang nanunuluyan sa isang hotel sa Bulgaria ang mga Pilipino habang inaasikaso ang kanilang ligtas na pagbabalik sa bansa. Naipabatid na rin sa kanilang mga pamilya ang kanilang kalagayan.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, nakikipagtulungan na ang labor attaché, manning agency at kinatawan ng may-ari ng barko upang matulungan ang mga tripulante.
Pinag-aaralan na rin ng DMW kung isasailalim sa high-risk and war-like zone classification ang bahagi ng southwestern Black Sea kung saan naganap ang pag-atake.










