
Nagpahayag ng pagdududa si House Prosecution adviser Ace Barbers na magdudulot ng malawakang kaguluhan sa bansa ang magiging hatol ng Senado sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Kasunod ito ng panawagan ni Interior Secretary Jonvic Remulla sa mga pulis na maghanda sa posibleng tensyon sa pagitan ng mga magkabilang panig matapos ilabas ang desisyon ng impeachment court.
Ayon kay Barbers, posibleng magpahayag ng pagtutol o mag-ingay ang mga tagasuporta ng bise presidente, ngunit hindi niya inaasahang aabot ito sa puntong maaapektuhan ang kapayapaan at kaayusan sa bansa.
Binigyang-diin din niyang mauunawaan ng publiko na ibabatay sa mga ebidensya at dokumento ang magiging desisyon ng mga senador na magsisilbing hukom sa impeachment court.
Samantala, tiniyak naman ni House Prosecution spokesperson Rep. Zia Alonto Adiong ang kakayahan ng Philippine National Police na panatilihin ang kaayusan, anuman ang maging resulta ng paglilitis.
Iginiit ni Adiong na ang impeachment ay isang prosesong nakapaloob sa Konstitusyon upang panagutin ang mga opisyal na maaaring ma-impeach, sa halip na mauwi sa karahasan o kaguluhan.









