Nagpahayag ng pagkabahala si Vice President Sara Duterte sa pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maaaring maging banta sa pambansang seguridad ang umano’y pagtanggap ng pondo mula sa China ng isang kumpanyang iniuugnay sa kaniyang pamilya, kung mapatutunayang totoo ang alegasyon.

Ayon kay Duterte, maaaring ipakahulugan ang pahayag ng Pangulo na banta rin sa bansa ang mga negosyong may transaksiyon sa China, gayong maraming kompanya sa Pilipinas ang nag-aangkat o nagluluwas ng mga produkto mula sa naturang bansa.

Idinagdag ng bise presidente na nakababahala rin umano ang pahayag dahil tila ipinahihiwatig na itinuturing siyang banta sa bansa. Aniya, noong 2023 pa raw siya itinuring na banta ng administrasyon.

Batay sa testimonya ng Anti-Money Laundering Council, nakatanggap umano ang Cale88 Foods Corporation, na iniuugnay sa asawa ni Duterte na si Atty. Mans Carpio, ng kabuuang ₱319.32 milyon mula sa China at Hong Kong. Sa halagang ito, ₱315.93 milyon ang nagmula sa mainland China at ₱3.39 milyon mula sa Hong Kong.

Inilahad ang mga transaksiyong ito sa impeachment trial ni Duterte kaugnay ng alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman. Gayunman, kinuwestiyon ng bise presidente ang mga paratang at iginiit na hindi dapat awtomatikong ituring na banta sa pambansang seguridad ang pakikipagnegosyo sa China.

-- ADVERTISEMENT --