
Inaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region (CIDG-NCR) ang tatlong Japanese national at isang Filipina dahil sa umano’y pagpapatakbo ng fixed marriage scheme na naglalayong makapagpasok ng mga Pilipina sa Japan.
Naaresto ang mga suspek sa isang restaurant habang ipinagdiriwang ang kasal ng isang Filipino-Japanese couple. Ayon sa pulisya, ang Filipina ang umano’y recruiter na nag-aayos ng pagpapakasal ng mga kabataang Pinay sa mga Japanese national.
Batay sa imbestigasyon, nangangako umano ang mga suspek ng magandang buhay at trabaho sa Japan kapalit ng pagpapakasal sa mga dayuhan. Gayunman, pagdating sa Japan, sa mga bar at nightclub umano nagtatrabaho ang mga biktima.
Target umano ng grupo ang mga Pilipinang edad 18 hanggang 21, habang binabayaran naman ang mga Japanese national upang pakasalan ang mga ito. Sa pamamagitan ng kasal, nagkakaroon umano ng pagkakataong makapasok at manatili sa Japan bilang asawa ng Japanese citizen sa halip na gumamit ng work visa.
Nagbabala ang CIDG-NCR sa publiko laban sa ganitong uri ng panloloko, kasabay ng patuloy na pagsisiyasat sa posibilidad na may iba pang Pilipinang nabiktima at nangangailangan ng tulong.
Nahaharap ang apat na suspek sa kasong paglabag sa Anti-Mail Order Spouse Act of 2016.










