Ibinasura ng Sandiganbayan Third Division ang petisyon sa piyansa ni Senator Rodante Marcoleta at tatlo pa niyang kapwa akusado na nahaharap sa kasong plunder kaugnay ng umano’y hindi idineklarang P75 milyong campaign contributions sa senador.

Dahil dito, mananatili sa detention sina Marcoleta, dating Anakalusugan party-list Representative Mike Defensor, at mga negosyanteng sina Joseph Espiritu at Aristotle Viray.

Batay sa desisyon ng anti-graft court, naging hindi umano consistent si Marcoleta sa pagpapaliwanag tungkol sa naturang P75 milyon. Una niya itong itinuring na campaign donations ngunit kalaunan ay sinabi sa kanyang position paper sa Commission on Elections na personal na pondo niya ang naturang halaga.

Kinuwestiyon din ng korte ang pagbabayad ng donor’s tax noong Disyembre 2025, gayong naibigay umano ang pera noong Enero ng parehong taon. Ayon sa Sandiganbayan, hindi saklaw ng donor’s tax ang mga lehitimong electoral contributions.

Binigyang-diin ng korte na maaaring ituring na mga regalo ang naturang halaga na natanggap ni Marcoleta mula sa kanyang mga kapwa akusado dahil sa kanyang posisyon sa pamahalaan.

-- ADVERTISEMENT --

Iginiit din ng Sandiganbayan na may sapat na batayan upang hindi pagbigyan ang kanilang kahilingan sa piyansa, kasabay ng pagtukoy sa umano’y hindi makatarungang pagpapayaman sa kapinsalaan ng taumbayan.