Ibinasura ng Korte Suprema ang pinagsama-samang petisyon na kumukuwestiyon sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil moot o wala nang praktikal na layuning pagpasiyahan ang usapin.

Sa pahayag ng mataas na hukuman, hindi na maipatutupad ng mga korte sa Pilipinas ang writ of habeas corpus dahil kasalukuyang nasa kustodiya na ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands ang dating pangulo.

Nilinaw ng Korte Suprema na hindi nangangahulugan ang desisyon na kinikilala nitong legal ang pag-aresto at paglilipat kay Duterte sa ICC o walang nalabag na karapatan sa kanya. Ang tinukoy lamang nito ay hindi na magagamit ang writ of habeas corpus sa ilalim ng kasalukuyang sitwasyon.

Ang mga petisyon ay inihain ng mga anak ni Duterte matapos siyang arestuhin noong Marso 11, 2025.

Siyam na mahistrado ang bumoto pabor sa pagbabasura, habang apat ang hindi sumang-ayon. Kabilang sa mga tumutol si Senior Associate Justice Marvic Leonen, na nagsabing dapat sanang tinugunan ng hukuman ang mahahalagang usaping konstitusyonal na kaugnay ng kaso.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, iginiit ni Associate Justice Ramon Paul Hernando na dapat pa ring suriin ng Korte ang usapin dahil sa pambihirang kalagayan at malaking epekto nito sa publiko. Aniya, nilabag umano sa pagsuko kay Duterte sa ICC ang ilang karapatan nito, kabilang ang due process at kalayaan sa paglalakbay.