Nagpahayag ng pagkagulat ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa anunsyo ni United States President Donald Trump na posibleng sa Amerika manggaling ang lahat ng pangangailangan ng Pilipinas sa agrikultura at enerhiya.

Sa pagdinig sa Senado tungkol sa panukalang budget ng DFA, sinabi ni Senator Erwin Tulfo na hindi inaasahan ng mga opisyal ang naturang pahayag dahil hindi umano napag-usapan ang isyu ng pag-aangkat ng mga produktong agrikultural at iba pang pangangailangan sa naunang mga talakayan ng dalawang bansa.

Ayon kay Tulfo, ang napag-usapan lamang bago ang bilateral meeting nina Trump at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay ang usapin sa taripa.

Kinuwestiyon naman ni Senator Imee Marcos kung paano nakapag-anunsyo si Trump nang hindi umano alam ng DFA ang naturang usapan.

Samantala, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na wala pang napagkakasunduang partikular na kondisyon para sa naturang kasunduan.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin niyang isasaalang-alang lamang ng pamahalaan ang eksklusibong pag-aangkat mula sa Amerika kung makabubuti ito sa mga Pilipino, partikular sa presyo at suplay ng mga produkto, at kung walang mas murang alternatibong mapagkukunan.

Dagdag pa ni Castro, kailangang mapangalagaan ang interes ng Pilipinas at hindi malagay sa dehado ang mga lokal na produkto sa anumang kasunduang papasukin ng bansa.