
Nagpahayag ng kumpiyansa ang isang beauty pageant organizer sa kakayahan ni Miss Philippines Bea Millan Windorski na maiuwi ang ikalimang Miss Universe crown para sa bansa sa kompetisyon ngayong 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Tuguegarao kay Maximo Umoso, sinabi nitong kapansin-pansin ang paghahanda ni Bea, partikular sa kaniyang preliminary performance, malakas na runway walk at eleganteng evening gown presentation.
Ayon kay Umoso, maituturing na full package ang pambato ng Pilipinas dahil bukod sa taglay nitong kagandahan at talino ay mayroon din itong determinasyon, personalidad at malinaw na adbokasiya.
Binigyang-diin din niya na hindi lamang pisikal na anyo ang batayan upang maging Miss Universe kundi mahalaga rin ang pagkakaroon ng puso, paninindigan, pagsusumikap at kakayahang maging mabuting kinatawan ng bansa.
Umaasa rin si Umoso na magiging natural at taos-puso ang mga sagot ni Bea sa question-and-answer portion dahil naniniwala siyang mahusay ang kaniyang mga mentor at paghahanda.
Samantala, hinimok niya ang mga Pilipino na patuloy na suportahan ang pambato ng bansa at iwasan ang pambabatikos at negatibong komento sa gitna ng kompetisyon.
Ibinahagi rin ni Umoso na mahalaga ang pinansiyal na suporta sa mga beauty queen dahil malaki ang gastusin sa paghahanda, kabilang ang makeup, damit at iba pang pangangailangan sa international pageants.
Para kay Umoso, pagkakataon din ang Miss Universe upang maipakilala sa buong mundo ang talento ng mga Pilipinong designer at iba pang nasa likod ng paghahanda ng mga kandidata.










