
Humiling ang Pilipinas sa United States government ng pagbili ng anim na bagong CH-47 Chinook helicopters sa ilalim ng $2-bilyong Foreign Military Financing package para sa pagpapalakas ng kakayahan ng bansa sa depensa at seguridad.
Kinumpirma ito ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., na nagsabing ang anim na Chinook lamang ang maaari niyang ibunyag sa ngayon mula sa naturang financing package.
Ayon kay Teodoro, posibleng maihatid ang lahat ng anim na helicopter pagsapit ng 2029 kung bibigyang-prayoridad ng Estados Unidos ang order ng Pilipinas. Gayunman, maaari itong umabot ng hanggang anim na taon kung hindi mapapabilis ang proseso.
Bukod sa pagbili ng mga helicopter, kasama rin sa kahilingan ang integrated logistics support at pagsasanay para sa mga crew.
Ipinaliwanag ni Teodoro na kayang magdala ng Chinook ng halos apat na beses na kargamento kumpara sa Black Hawk helicopter, kabilang ang malalaking armas, kagamitan at maging mga sasakyang may sakay na pasahero.
Gayunman, sinabi ng kalihim na isa sa mga pangunahing hamon sa posibleng pagbili nito ang mataas na gastos sa maintenance, bagama’t kayang-kaya aniya ng bansa na maglaan ng base para sa anim na helicopter.
Matatandaang inanunsyo kamakailan ng White House ang kasunduan ng Pilipinas at Estados Unidos na isulong ang mahigit $2-bilyong financing package para sa pagbili ng mga kagamitang pangdepensa mula sa mga supplier ng Amerika.





