Kinuwestiyon ni Senator Panfilo Lacson ang inilagay na ₱5 bilyong pondo sa bersyon ng Kamara para sa 353 farm-to-market road projects na hindi kabilang sa orihinal na panukala ng Department of Agriculture (DA) para sa 2027 national budget.

Sa budget deliberations, sinabi ni Lacson na inalis sa panukalang pondo ang 91 farm-to-market road projects na unang hiniling ng DA, habang pinalitan ito ng 353 karagdagang proyekto na hindi pa nabeberipika ng ahensya.

Tinanong ng senador kung dumaan na sa validation ng DA ang mga naturang proyekto at kung naaayon ang mga ito sa farm-to-market network plan ng kagawaran.

Sinabi naman ni Senator Francis Pangilinan, sponsor ng budget ng DA, na kasalukuyan pang sinusuri ang 353 proyekto.

Napansin din ni Lacson na nasa Batangas, Nueva Ecija at Iloilo ang humigit-kumulang 30 porsiyento ng mga idinagdag na proyekto. Partikular niyang kinuwestiyon ang paglalaan ng 19 na farm-to-market roads sa bayan ng Lobo, Batangas.

-- ADVERTISEMENT --

Ipinaliwanag ni Pangilinan na susuporta ang mga kalsada sa industriya ng paghahayupan at niyog sa lugar, gayundin sa planong food hub project sa Batangas.

Samantala, inihayag din sa deliberasyon ang pangangailangan ng karagdagang pondo para sa kompensasyon ng mga biktima ng Marawi siege.

Target ng Marawi Compensation Board na makumpleto ang pagbabayad sa lahat ng kuwalipikadong benepisyaryo pagsapit ng Hunyo 2028.

Gayunman, sinabi ni Senator JV Ejercito na kailangan pa ng board ng karagdagang pondo upang matupad ang mandato nito, dahil nasa 15,000 biktima pa umano ang hindi nakatatanggap ng kompensasyon.