Nilinaw ng Armed Forces of the Philippines nitong Huwebes na walang sundalong sangkot sa insidente ng pagpapaputok ng baril sa Senado noong Miyerkules ng gabi.

Ayon kay AFP chief General Romeo Brawner Jr., ang mga Marine na nakita sa mga video sa loob ng Senado ay nakatalaga lamang doon bilang bahagi ng kanilang regular na tungkulin sa seguridad ng mga pasilidad ng gobyerno.

Ipinaliwanag din niya na ang mga tauhan ng Marine Security and Escort Group ay naka-deploy upang bantayan ang mga government facility tulad ng Senado, Kamara de Representantes, Department of Foreign Affairs, at iba pang tanggapan, at hindi para sa seguridad ng sinumang indibidwal na senador.

Giit pa ng opisyal, walang kahit sinong tauhan ng militar ang nagpaputok ng baril sa insidente.

Sinabi rin ni Brawner na papunta siya noon sa isang pulong kasama ang mga opisyal matapos mangyari ang insidente sa Senado.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, isang driver na empleyado umano ng National Bureau of Investigation ang naaresto matapos marinig ang mga putok ng baril sa loob ng Senado sa Pasay City noong Miyerkules ng gabi, ayon sa pulisya.

Nauna nang sinabi ng NBI na wala silang mga ahente na naka-deploy sa Senado noong insidente.

Ayon sa pulisya, iniulat ng Office of the Sergeant-at-Arms ng Senado na gumanti lamang ng putok ang kanilang mga tauhan matapos ang umano’y pagpasok ng armadong suspek sa gusali.

Nangyari ang insidente kasabay ng tensyon kaugnay ng posibleng pag-aresto kay Senador Ronald dela Rosa matapos maglabas ng warrant ang International Criminal Court kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa drug war ng nakaraang administrasyon.