
Iginiit ni House prosecution panel spokesperson Rep. Zia Adiong na dapat seryosohin ang mga alegasyon ni dating pulis na si Rodulfo Gracioso Jr. na naghahatid umano siya ng mga maleta na naglalaman ng bilyun-bilyong piso kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Adiong, seryoso at mabigat ang naturang paratang kaya nararapat itong imbestigahan, bagay na ginagawa na umano ng National Bureau of Investigation o NBI.
Sinabi rin ni Adiong na maaaring may kaugnayan ang alegasyon sa usapin ng umano’y unexplained wealth ni Duterte na kabilang sa mga artikulo ng impeachment, bagama’t hindi umano ito direktang makaaapekto sa kasalukuyang impeachment trial.
Samantala, itinanggi ni Vice President Sara Duterte na kilala niya si Gracioso at mariin ding sinabi na hindi siya kailanman nakatanggap ng pera mula rito.
Ayon kay Duterte, hinihintay ng kanyang mga abogado ang opisyal na kopya ng affidavit ni Gracioso upang makapaghanda ng mga kasong ihahain laban dito.
Tinawag din niya ang alegasyon na panibagong “media stunt” at iginiit na layunin umano ng administrasyong Marcos na pabagsakin siya.









