Sinampahan na ng kaso ang isang 28-anyos na construction worker na nang-hosteage sa kaniyang kinakasama at apat nilang mga anak na pawang mga menor de edad, kabilang ang walong buwan nilang sanggol sa Barangay Bagumbayan, Taguig City kamakailan.

Sa ulat ng Southern Police District, nagsimula ang insidente nang awayin umano ng suspek ang kaniyang kinakasama dahil hindi siya binigyan ng pera pambili ng alak.

Napilitang humingi ng tulong ang ina ng mga biktima sa Barangay Bagumbayan Security Force (BSF) matapos umano siyang saktan ng naturang live-in partner.

Tumagal daw ng halos apat na oras ang negosasyon ng pulisya bago tuluyang sumuko ang suspek at pakawalan ang kaniyang mag-iina.

Nahaharap sa patong-patong na mga reklamo ang suspek katulad ng illegal detention, direct assault, alarms and scandals at illegal possession of bladed weapons, at kasalukuyang nasa kustodiya ng Taguig police.

-- ADVERTISEMENT --