
Nahaharap sa kasong homicide ang apat na pulis sa Catanduanes kaugnay sa pagkamatay ng isang detainee na nagtangkang tumakas haba siya ay ibinabiyahe.
Sinabi ni Del Gallego, Camarines Sur police chief Captain Bernie Undecimo, ang nagsampa ng reklamo ay ang asawa at dalawang anak ng detainee.
Ayon sa pulisya, ibinabiyahe ng apat na pulis mula sa Catanduanes Police Provincial Office ang dalawang detainees, kabilang ang biktima na kinilalang si Michael Echague, mula sa Pasig City papuntang Catanduanes noong Pebrero 6.
Tumigil ang kanilang sasakyan sa isang highway matapos na hilingin ng detainees na kailangan nilang umihi.
Habang nakaposas, siniko umano ni Echague ang isang pulis, inagaw ang kanyang baril, at itinutok sa mga pulis, subalit hindi ito pumutok nang kinalabit niya ang gatilyo.
Hinabol ng mga pulis ang suspek, at nang makarating sa madamong lugar, nasa isang kilometro ang layo mula sa kanilang sasakyan, nakita nila ito na nakaluhod, at nakatutok ang baril sa mga pulis na nagtatago.
Idinagdag pa ng pulisya na para matiyak ang kanilang kaligtasan, pinaputukan ng mga pulis ang suspek, na nagbunsod ng mga tama ng baril sa katawan ng biktima.
Batay sa resulta ng autopsy, nagtamo ng tatlong tama si Echague sa kanyang balikat at dibdib.
Isinailalim sa kustodiya ang mga nasabing pulis at kinuha ang kanilang mga baril habang iniimbestigahan ang insidente.
Isinagawa rin ang paraffin tests sa mga nasabing pulis at sa dalawang detainees subalit nagnegatibo ang mga ito, na pinaniniwalaan ng mga awtoridad na posibleng naapektohan ito sa ulan at hangin nang mangyari ang insidente.








