Muling ipinagpaliban ng Quezon City Regional Trial Court Branch 98 ang arraignment o pagbasa ng sakdal kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng tatlong bilang ng kasong grave threats.

Ayon sa abogado ng Bise Presidente na si Atty. Paul Lawrence Lim, hindi muna itinuloy ang arraignment dahil sa nakabinbing motion for partial reconsideration ad cautelam ng kampo ni Duterte.

May kaugnayan ito sa desisyon ng korte na ibasura ang hiling ng Bise Presidente na mag-inhibit o umatras ang presiding judge sa paghawak ng kanyang kaso.

May nakabinbin ding petition for certiorari ang kampo ni Duterte sa Korte Suprema.

Dahil dito, minabuti umano ng presiding judge na pag-aralan muna ang mga nakabinbing mosyon bago ituloy ang arraignment.

-- ADVERTISEMENT --

Wala pang ibinigay na bagong petsa para sa arraignment ng Bise Presidente, ayon kay Lim.

Samantala, matapos ang pagdinig, humarap si VP Sara sa kanyang mga tagasuporta at nagpahayag ng pasasalamat sa patuloy na pagtitiwala ng mga ito.

Nagpasalamat din siya sa kanyang mga abogado sa grave threats cases dahil sa kanilang masigasig na pagtatrabaho.