Walang planong luwagan sa ngayon ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang pagpapatupad sa Five-Point Consensus na naglalayong tugunan ang krisis pampulitika at makatao sa Myanmar.

Ito ang paglilinaw ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro kasunod ng pulong ng mga foreign ministers ng ASEAN nitong Nobyembre 14, kung saan sinabi niyang nananatili ang kasalukuyang polisiya ng regional bloc.

Matatandaang nilimitahan ng ASEAN ang partisipasyon ng Myanmar sa mga high-level meeting matapos ang kudeta ng militar noong 2021. Pinapayagan lamang itong katawanin ng mga non-political representative dahil sa kawalan ng makabuluhang progreso sa pagpapatupad ng Five-Point Consensus.

Kabilang sa mga panukalang tinatalakay ngayon ang posibilidad na muling payagang dumalo ang foreign minister ng Myanmar sa mga pormal na pulong ng ASEAN. Gayunman, nilinaw ni Lazaro na wala pang pinal na desisyon hinggil dito.

Inaasahang tatalakayin ng mga lider ng ASEAN ang pagsusuri sa Five-Point Consensus sa kanilang retreat sa ika-49 na ASEAN Summit sa Maynila, kasabay ng paghahanap ng mga hakbang upang matigil ang karahasan, maisulong ang dayalogo at matugunan ang humanitarian crisis sa Myanmar.

-- ADVERTISEMENT --