Nilinaw ni Atty. Israelito Torreon na hindi sila kinuha o inatasan ng sinumang pulitiko na kumatawan sa pamilya ng pumanaw na Ateneo basketball player na si Rene Baterbonia.

Ito ay matapos itanggi ni Agusan del Sur Governor Santiago Cane Jr. na kinuha niya sina Torreon at Atty. Jimmy Bondoc para maging abogado ng nasawing estudyante.

Sa isang pahayag, sinabi ng Torreon Law Firm, na lumapit sa kanila ang isang kamag-anak at mga kaibigan ng pamilya para humingi ng tulong kasunod ng sinapit ng biktima.

Ang tanging ginawa lamang daw ng opisyal ay iparating sa pamilya na may abogadong handang tumulong sa kanila.

Naglabas ng pahayag sina Torreon dahil sa interes ng publiko sa kaso kahit na hindi karaniwang isinasapubliko kung paano nagkakaroon ng legal na kinatawan ang isang pamilya.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay may mga miyembro rin ng legal team na personal na nakasama at umaalalay sa pamilya habang ang iba ang kumakalap ng ebidensiya, nagsusuri sa mga dokumento at nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad.

Iginiit pa nina Torreon na ang kanilang layunin ay makamit ang mga kasagutan, pananagutan, at hustisya para kay Baterbonia at kapwa nitong player na nasawi na si Divine Adili.