
Humina na bilang Low Pressure Area (LPA) ang dating Tropical Depression Luis, ayon sa pinakahuling weather bulletin.
Huling namataan ang LPA sa bisinidad ng Peñablanca, Cagayan at kumikilos pakanluran-hilagang kanluran sa bilis na 10 kilometro kada oras.
Inalis na rin ang lahat ng Tropical Cyclone Wind Signals sa bansa.
Gayunman, magpapatuloy ang malalakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon.
Inaasahang makatatanggap ng 100 hanggang 200 milimetro ng ulan ang La Union, Pangasinan, Benguet, Tarlac, Zambales, at Bataan hanggang Martes ng gabi.
Samantala, inaasahan namang makakaranas ng 50 hanggang 100 milimetro ng ulan ang Ilocos Sur, Ifugao, Mountain Province, Nueva Vizcaya, Nueva Ecija, Aurora, Bulacan, Pampanga, Metro Manila, Cavite, at Batangas.
Dahil dito, pinapayuhan ang publiko na maging alerto sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa, lalo na sa mga mabababang lugar, tabing-ilog, at bulubunduking lugar.






