TUGUEGARAO CITY- Nasunog ang ikalawang palapag ng bahay ni Councilor Gilbert Labang ng lungsod ng Tuguegarao kaninang madaling araw.

Kaugnay nito, sinabi ni Labang na naniniwala siyang sinadya ang pagsunog sa kanyang bahay dahil bago ang insidente ay may limang tao umano na nagtapon ng gasera sa harap ng kanilang bahay subalit hindi ito sumabog.

Ayon sa kanya, makikita sa kuha ng CCTV ang unang insidente ng pagtatapon ng gasera sa harap ng kanyang bahay na iniimbestigahan na umano ng kapulisan.

Subalit sinabi niya na bagamat wala naman silang nakita na nagtapon muli ng gasera na posibleng sanhi ng sunog kanina ay naniniwala siya na bumalik ang mga tao na unang nagtapon ng gasera sa harapan ng kanyang bahay.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod dito, sinabi ni Labang na noong December 21 ay may nagbanta sa kanya sa pamamagitan ng text na susunugin ang kanyang bahay at bago ang pagkasunog ng kanyang bahay ay may nagtext muli sa kanya at sinabing bakit hindi sila mamatay-matay ng kanyang asawa.

Sinabi ni Labang na kasamang nasunog ang kanilang silid na mag-asawa kung saan ay mahigit P1m kabilang ang mga dulyar na cash ang naging abo at mahigit P1m din ang mga tinupok ng apoy na mga appliances.

May hinala si Labang na ang pagsunog sa kanilang bahay ay dahil sa negosyo ng kanyang asawa na nagbebenta ng mga alahas at posibleng dahil din sa kanyang pagiging konsehal

Ayon kay Labang, nagising siya nang mapansin na tila may malakas na ilaw sa labas ng kanilang silid at nang lumabas ay malakas na ang apoy.