Inakusahan ng Senado ang mga hinihinalang ahente ng National Bureau of Investigation na umano’y unang nagpaputok sa loob ng Senate premises sa gitna ng lockdown nitong Miyerkules ng gabi.

Ayon kay Senate Secretary-General Mark Llandro Mendoza, pumasok umano ang mga armadong lalaki sa Senado sa pamamagitan ng katabing gusali ng GSIS nang walang koordinasyon sa Office of the Senate Sergeant-at-Arms (OSAA).

“Sila nauna magpaputok,” pahayag ni Mendoza sa mga mamamahayag matapos marinig ang mga putok ng baril bandang alas-7:30 ng gabi sa hallway ng Senado.

Kasunod nito, agad na isinailalim sa lockdown ang Senate building habang nagsuot ng bullet-proof vest ang ilang security personnel ng Senado upang tiyakin ang seguridad sa loob ng gusali.

Sinabi rin ni Mendoza na wala pang kumpirmasyon kung may nasugatan sa insidente ngunit tiniyak niyang ligtas ang mga senador at empleyado sa loob ng Senado.

-- ADVERTISEMENT --

Nasa ilalim ngayon ng protective custody ng Senado si Senator Ronald dela Rosa habang nagpapatuloy ang tensyon sa pagitan ng mga awtoridad at Senate security personnel.