Tiniyak ng Malacañang at Department of National Defense (DND) na walang kinalaman ang mga puwersa ng pamahalaan sa mga putok na narinig sa loob ng Senado habang nasa lockdown ito nitong Miyerkules ng gabi, ayon kay Senate President Alan Peter Cayetano.

Sa isang Facebook Live, sinabi ni Cayetano na personal umanong tumawag sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Defense Secretary Gilbert Teodoro upang itanggi ang anumang partisipasyon ng estado sa insidente at igiit ang pagsasagawa ng malayang imbestigasyon.

Naganap ang insidente kasabay ng mga ulat hinggil sa umano’y planong pag-aresto kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, na nahaharap sa isyu kaugnay ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) dahil sa kasong crimes against humanity.

Ayon sa ulat, nananatiling sentro ng imbestigasyon ang presensya ng mga “perceived” na operatiba sa loob ng gusali ng Senado at ang biglaang lockdown na ipinatupad habang nasa ika-5 palapag si Dela Rosa.

Sa gitna ng tensyon, sinabi ni Cayetano na sinisiguro nilang ligtas ang mga senador at mino-monitor ang sitwasyon ni Dela Rosa, habang nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang opisyal.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy naman ang pag-uugnay ng isyu sa mas malawak na usapin ng ICC proceedings laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, na isa ring sentro ng imbestigasyong may kaugnayan sa war on drugs, kasama si Dela Rosa bilang isa sa mga tinukoy na co-conspirator.

Giit ng Senado, ang lahat ng anggulo ay bukas pa sa imbestigasyon upang linawin kung ano talaga ang pinagmulan ng mga putok at kung sino ang nasa likod ng insidente.