Natagpuan ng isang residente ng Bgy. Cupang, Antipolo ang bangkay ng isang lalaki sa gilid ng isang kanal, kaninang 2:25 hapon.

Ayon sa sa Police Regional Office 4-A, hindi pa natukoy ang pagkakakilanlan ng lalaki.

Kaagad namang nagtungo ang mga tauhan ng barangay at Antipolo City Police Community Precinct 1 sa lugar ng pinangyarihan ng krimen.

Ayon sa imbestigasyon, nakita sa CCTV ng barangay ang apat na lalaki na naglalakad sa Purok 4.

Maya-maya pa ay narinig sa footage na may nagsabi ng “please wala akong kasalanan.”

-- ADVERTISEMENT --

Pagkatapos nito ay narinig ang tatlong magkasunod na putok ng baril.

Makalipas ang ilang minuto ay tatlo nalang sa mga lalaki ang naglakad paalis sa lugar.

Kinumpirma ng mga residente ng lugar na dayo ang lalaki.

Sa kasalukuyan ay patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang krimen.