Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa natagpuang bangkay ng isang lalaki na pinaniniwalaang biktima ng summary execution o salvage, kahapon ng umaga (January 31) sa Enrile, Cagayan.

Inilarawan ang biktima na nasa edad 30 hanggang 40, katamtaman ang pangangatawan at nakasuot ng itim na jacket at jeans, singsing at necklace.

Ayon kay Pat. Elizalde Tagal Jr., imbestigador ng PNP Enrile, natagpuan ang bangkay ng biktima sa maburol na bahagi at malapit sa national highway ng Barangay Liwan Sur.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nakitaan ng mga tama ng bala ng baril ang biktima sa kanyang ulo at kamay.

Hinala ng pulisya, posibleng pinatay ang biktima sa ibang lugar at itinapon lamang ito sa nabanggit na bayan.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay nasa isang punerarya na ang bangkay habang inaalam ang pagkakakilanlan nito.