Inilunsad nitong Sabado ng iba’t ibang civil society organizations, akademiko, at mga grupo ng simbahan ang “Bantay Impeachment” campaign upang hikayatin ang masusing pagbabantay ng publiko sa nagpapatuloy na impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.

Dumalo sa paglulunsad ang ilang miyembro ng House prosecution team kabilang sina Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, Manila Rep. Joel Chua, at Kabataan Party-list Rep. Renee Co bilang suporta sa inisyatiba.

Layunin ng kampanya na magsagawa ng mga forum, watch party, rally, at iba pang aktibidad upang subaybayan ang proseso ng impeachment, bantayan ang anumang umano’y pagtatangkang hadlangan ito, at hikayatin ang aktibong partisipasyon ng mamamayan.

Ayon kay Professor David San Juan ng grupong Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw, mahalagang masusing timbangin ang mga ebidensya at hayaang dumaan sa tamang proseso ang paglilitis.

Giit naman ni Joaquin Buenaflor ng Youth Rage Against Corruption, mahalaga ang impeachment proceedings dahil tumataya ito sa paggamit ng pondo ng bayan, na dapat umano’y napapakinabangan ng publiko at hindi nauuwi sa korapsyon.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy na inaasahang susubaybayan ng mga kalahok na grupo ang mga susunod na hakbang sa impeachment proceedings.